Visits: 132,519
Login

MAYOR FERMIN BARRETTO


Mayor Fermin Barretto was declared No. 1 Local Hero of Occidental Mindoro by Occidental Mindoro Historical Society and Philippine Centennial Movement - Occidental Mindoro Chapter and such declaration was made official by virtue of Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 33, series of 1998 adopted on April 25, 1998 and issued during the Proclamation of Local Heroes of Occidental Mindoro at San Jose Municipal Gymnasium.

Mayor Fermin Barretto served as Municipal Mayor of San Jose, Occidental Mindoro from 1937-1942 which term was cut short when he was caused to dig his own grave and eventually shot to death for refusing to collaborate with the japanese and to reveal the names and hideouts of the local guerillas fighting against the japanese during World War II. Mayor Fermin Barretto's biography (in Tagalog) can be read below:

TALAMBUHAY
Mayor Fermin Barretto
(1897 – 1942)
Punong Bayan
Pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro
(1937 – 1942)


Mabibilang ang mga bayaning nakasulat sa kasaysayan ng bansa lalung-lalo na ang mga lokal na bayani na ang kagitingan ay nakaukit lamang sa alaala ng mga taong nakasaksi. Sa paglipas ng panahon, maaaring ang kanilang alaala ay tuluyan nang maglaho dahil ang mga saksing ito’y unti-unti nang nalalagas dahil sa kanilang katandaan. Isa sa mga bayaning ito ay si Mayor Fermin Barretto na ang paglilingkod bilang Punong Bayan ng San Jose, Occidental Mindoro ay sinubok ng Tadhana sa pagdating ng mga Hapon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.

Si Fermin Barretto ay nanungkulan bilang punong bayan ng San Jose, Occidental Mindoro mula taong 1937 hanggang 1942. Bagamat hindi tubong Mindoro, siya a masasabing higit pa sa tunay na anak ng San Jose, Occidental Mindoro. Ang maikli subalit makasaysayang panahon ng kanyang panunungkulan sa bayang ito ay nagdulot ng karagdagang pahina sa aklat ng kasaysayan ng San Jose dahil sa kabayanihang kangyang ipinamalas sa panahon ng pananakop ng mga Hapon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.

Siya ay ipinanganak sa Barotac Viejo, Iloilo noong ika-17 ng Marso, 1897. Ang kanyang naging kabiyak ay si Feliza Balleza na tubo ring Iloilo. Sila ay biniyayaan ng Maykapal ng labindalawang (12) anak, pitong lalaki at limang (5) babae. Sila ay sina Ernesto, Rolando, Sergio “Yoyong”, Emmanuel, Jose “Peping”, Corazon, Cely, Agripina, Fe, Fermin Jr., Rosalinda at Hermes.

Bago sumapit ang ikalawang digmaan, ang mahabang riles ng tren ang tanging mabilis na paraan upang marating ang mga barangay na Caminawit at Central mula sa San Jose Poblacion. Ang mga sasakyang gumamit ng riles ay tinawag na “Trolley Car” na maaaring sakyan ng tig-dalawang (2) tao sa harapan at likuran. Mayroon ding tinawag na “Special Trolley Car” tulad ng “Kalamazoo” at “Kalamasito” (ginagamit lamang ng mga opisyales ng “Sugar Central” at mga panauhin nito) at “Cane Cars” na pinagkakargahan ng tubo. Ang San Jose na kung tawagin ay Pandurucan (salitang Mangyan) ay lugar na kinaroroonan ng Bahay Pamahalaan ng San Jose.

Higit na maunlad ang Central kaysa sa Pandurucan dahil dito matatagpuan ang pabrika ng asukal “Sugar Central” na itinayo noong taong 1910 sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Milling Company. Higit na marami ang bilang ng mga taong naninirahan at pumupunta dito dahil ito ang sentro ng kalakal ng mga panahong ito. Karamihan sa mga taong nanirahan dito ay mga sakada o mga taong nabubuhay sa pamamagitan ng pagtatanim, pag-aalaga at pagpuputol ng tubo. Ang mga barangay ng Central at La Curva ay ilan lamang sa mga lugar na dating pinagtataniman ng tubo upang gawing asukal.

Si Fermin Barretto na tubong Iloilo ay lumipat sa San Jose sa pagitan ng mga taong 1920-1925 kasama ang kanyang maybahay at nag-iisa pa lang na anak na si Ernesto na sa katunayan ay pangalawang anak dahil ang una ay namatay sa sakit. Si Fermin Barretto ay mapalad na nagkaroon ng hanapbuhay bilang “Foreman” ng mga sakada ng “Sugar Central”. Dahil laking bisaya, siya rin ang naatasang kumuha at magdala ng mga sakada mula sa Negros, Iloilo at ibang pang pook sa Visayas upang mamasukan at magtrabaho sa “Sugar Central”.

Dahil na rin sa kanyang kakayahang humawak ng tao, pagiging palakaibigan at tunay na iginagalang ng kanyang mga kababayan, siya ay pinagkatiwalaang maging Hepe ng Pulisya ng San Jose. Di naglaon, siya ay naging Pangalawang Punong Bayan hanggang manalong Punong Bayan ng San Jose noong taong 1937 laban kay Narvas – ang kanyang mahigpit na katunggali sa pulitika. Ayon kay Dr. Felix Gabriel, ang punong bayan noong panahong ito ay hindi tinawag na Mayor at sa halip ay “Municipal President”. Ang “Municipal Health Office” ay tinawag na “President’s Sanitary Division” at pinamunuan ni Dr. Felix Gabriel noong panahong ito. Ang mga kawani ng munisipyo ay nakauniporme ng halos tulad ng suot ng mga sundalo. Bilang Punong Bayan, ilan sa mga naging proyekto ni Mayor Fermin Barretto ay ang pagsasakatuparan ng “Sanitary Ordinance” na ang bawat bahay ay magkaroon ng sariling palikuran upang makaiwas sa sakit, ang pagbabakuna sa mga bata, at paghuhuli ng mga ligaw na hayop at pagpapataw ng multa sa mga may-ari nito. Ayon kay Mr. Benjamin O. Walata, si Mayor Barretto rin ang nagpagawa ng bagong Bahay Pamahalaan na gawa sa matitibay na kahoy. Ang pagkagawa nito ay mahahalintulad sa yari ng “Guest House” o “Mansion House” na dating makikita sa Central na halos kailan lamang ay nakatayo pa ngunit tuluyan ng nasira dahil sa tagal ng panahon.

Sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Fermin Barretto hanggang taong 1941, ang buong bayan ng San Jose ay lubhang tahimik. Bagamat maliit ang kinikita ay maligaya at mapayapang nabubuhay ang mga taong naninirahan dito. Bukod tanging ang Central lamang ang nagbibigay ng malaking porsiyento ng kinikita sa kaban ng bayan bukod sa kinikita ng munisipyo sa pagbigay ng “Exclusive Right to Catch Bangus Fry” sa mga nanalong “bidders”.

Mabibilang ang mga taong unang nanirahan dito lalo na sa Pandurucan. Ilan sa kanila ay ang mga pamilyang Roda (may tindahan noon) na kabitbahay ni Mayor Fermin Barretto, Luyahan, Bernardo, Aguirre, Pascual, Rodil, Morales, Abique, Buquid, Gabriel, Pendon, Magsino, Dela Roca, Canag, Ramirez at ilang pang pamilyang hindi na matandaan. Ang pagtatanim, pangingisda, pagkakargador sa Pantalan sa Caminawit ay karaniwang pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga taong naninirahan dito. Malimit na ang mga isdang nahuhuli sa Mangarin, Caminawit at Sta. Teresa (barangay sa bayan ng Magsaysay ngayon) ay dinadala pa sa Central upang ipagbili dahil higit na marami ang mga taong napagbebentahan doon. Ang mga negosyante naman ay nagdadala ng mga kahoy na panggatong at “copra” upang ipagbili sa Maynila. Ang mga “Loggers” ay nagpuputol ng kahoy upang gawing trabyesa at ipinagbibili sa Philippine Railroad Company sa Maynila.

Sumabog ang pangalawang digmaang pandaigdig noong ika-7 ng Disyembre, 1941 at dumating ang mga Hapon sa Pilipinas (Lingayen) noong ika-22 ng Disyembre, 1941. Ito ay panahon ng panunungkulan ni Mayor Fermin Barretto. Bilang Punong Bayan, ipinagpatuloy niya ang kanyang tungkulin sa bayan. Ayon kay Dr. Felix Gabriel, si Mayor Fermin Barretto ay bumuo ng isang grupo na kung tawagin ay “Civilian Guards” upang magbantay sa dagat at masiguro kung may darating na kalaban. Ayon naman kay Mr. Benjamin Walata, tanging mga itak lamang ang kanilang sandata. Ang mga miyembro ng grupong ito ay sila ring naging kasapi ng gerilya sa pagdating ng mga Hapon.

Mula sa Pola at Pinamalayan, Oriental Mindoro, ang mga Hapon ay dumating sa Paluan noong Pebrero, 1942. Noong ika-16 ng Marso 1942, ang mga Hapon ay dumaong sa barangay ng San Agustin at Caminawit, San Jose, Occidental Mindoro at nakarating sa Central ng walang anumang labanang nangyari. Sa pagtakas ng karamihan sa kasamahan ni Mayor Fermin Barretto ay nanatiling buo ang kanyang loob na harapin at gampanan ang tungkulin sa bayan lalo na sa panahong ito ng kagipitan. Ang karamihan sa kanyang mga kababayan ay umakyat na sa bundok upang magtago o sumapi sa gerilya at siya’y nagpaiwan dala ang kanyang matibay na suporta at basbas sa patagong pakikipaglaban ng mga ito. Apat (4) sa mga anak niyang lalaki ay kanyang ipinasama upang sumapi sa gerilya. Ang isa pang anak na lalaki ay kasapi na ng mga gerilya sa Visayas.

Bilang Punong Bayan, siya ay inaresto ng mga Hapon kasama si Juan Buquid, ang kanyang Hepe ng Pulisya, si Jose “Pepe” Pendon – isang Pulis, Judge Marasigan – isang kaibigan na taga Calaca, Batangas, si Vicente Gabutero, Sr. – isang konsehal ng San Jose at ang bayaw nitong si Dencio de Mesa. Ang pagkahuli sa kanila ay nauwi sa pagpaparusa at pambubugbog na ginawa ng mga Hapon upang kumalap ng impormasyon tungkol sa mga pagkakakilanlan at pinagkukutaan ng mga gerilyang kumakalaban sa mga ito. Bukod pa sa pambubugbog, sila’y pumailalim din sa “water torture” (paglublob ng ulo sa drum na puno ng tubig). Subalit walang isa man sa kanila ang nagbigay ng impormasyon sa kabila ng pahirap na dinanas sa malupit at di makataong pagpaparusa ng mga Hapon. Matapos dumanas ng pahirap, gutom, hilo at pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, sila ay pinayagang makauwi sa kundisyong sila ay kailangang makipag-ugnayan sa mga Hapon na nakatalaga sa Central sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono mula sa munisipyo tuwing umaga’t hapon. Ito’y upang masiguro ng mga Hapon na sila ay hindi makakatakas. Dahil sa pangyayaring ito, ilan sa mga kasamahan ni Mayor Fermin Barretto ang tuluyan nang lumisan sa San Jose upang mamundok. Si Mayor Fermin Barretto ay walang takot na nagpaiwan sapagkat lalong higit niyang kinatatakutan na ang buong bayan at mamamayan ng San Jose ang maaaring mapahamak kung siya ang magtatago o tatakas.

Ilan sa mga matataas na kawani ng “Sugar Central” ang inilagay sa mga maseselang posisyon at dahil dito ang mga taong umaasa sa grasya ng mga Hapon ay siyang namamalakad sa “Municipal Political Leadership” ng San Jose. Ang mga sakada at iba pang mga manggagawa sa “Sugar Central” ay nagpatuloy magtrabaho hanggang noong ika-1 ng Abril, 1942 na kung kalian ay ipinasara na ng Hapon at mula noon ay di na muli pang nagbukas.

Nangyari ang unang pakikipaglaban ng mga gerilya noong ika-11 ng Abril, 1942 at anim na sundalong Hapon ang kanilang napatay sa Caguray (ngayon ay barangay ng bayan ng Magsaysay). Inakala ng mga Hapon na ang mga taong naninirahan sa Caguray ay “Guerilla Sympathizers” kaya ang buong Caguray ay kanilang sinunog. Sa panahong ito nagsulputan ang mga makapili “Japanese Collaborators” o mga Pilipinong nagpapahamak ng kanilang kapwa Pilipino kapalit ng kaunting pabor mula sa mga Hapon.

Sa simula ng pagdiriwang sa kaarawan ni Tenno Hirohito, ang mga Hapon ay nagdaos ng mga kasiyahan tulad ng malaking salu-salo, boksing, sayawan at palaro, subalit kasabay nito ang paglalagay ng “nightly curfew”. Tuwing araw ng Linggo ay mayroon ding pasayaw ang mga Hapon upang makuha ang pakikipagtulungan ng mga Pilipino laban sa mga gerilya o “bandidos”.

“para atraer la gente para que pueda communicarse mas con los soldados japoneses”

Si Mayor Fermin Barretto ay pinag-initan ng mga Hapon dahil sa mga makapili. Si Narvas ay isa sa mga taong ito na tuluyang naging makapili matapos makaranas ng pagkatalo sa pulika laban kay Mayor Barretto noong huling halalan bago dumating ang digmaan. Bilang makapili, si Narvas ay maraming Pilipinong ipinahamak sa mga Hapon at dahil dito, siya’y isa lamang sa mga taksil na nais iligpit ng mga gerilya.

Isang gabi bumaba ang mga gerilya mula sa bundok na pinagkukutaan upang tambangan si Narvas. Nagkaroon ng putukan at sa di inaasahang pangyayari, ang asawa ni Narvas ang malubhang tinamaan na ikinamatay nito. Ito ay dinala sa Central at ang asawang si Narvas na dumanas lang ng daplis na tama ng bala sa kanang kamay ay nagsumbong sa mga Hapon. Ang pangyayaring ito ay lubos na ikinagalit ng mga opisyal ng Hapon at bago sumapit ang hating-gabi ng araw ding iyon ay dumating at pumaligid sa bahay ni Mayor Fermin Barretto sa Pandurucan, (kinatatayuan ngayon ng Occidental Mindoro Hardware), ang mga Hapong galing sa Central.

Sa pangalawang pagkakataon, muling hinuli si Mayor Barretto at isinakay sa “kalamazoo” patungong Central. Upang makaiwas sa mga Hapon, ang kanyang asawa na si Feliza at ang kanilang mga anak na sina Corazon (17 taong gulang), Agripina (12 taong gulang), Fe (10 taong gulang), Fermin Jr. (7 taong gulang), Rosalinda (5 taong gulang) at Hermes (3 taong gulang) ay pumunta sa kagubatan sa Labangan na dati ay katungganan at puno ng makapal na bakawan at api-api (lugar na malapit sa dating lupain ng mga Griego sa Mabini Extension).

Muling pinahirapan si Mayor Barretto. Subalit sa kabila ng mga pagpapahirap na ito, ay hindi niya nagawang ipagkanulo ang kanyang mga kababayan o ang mga gerilya na walang kaduda-dudang alam niya kung sinu-sino at kung saan nagsisipagkuta. Sa katunayan, dalawa (2) lamang sa kanyang mga anak na lalaki ang hindi pa sumapi sa gerilya sa mura nilang edad, ang lima (5) pang anak na lalaki na sina Ernesto, Rolando, (kasama ng mga gerilya sa Visayas), Yoyong, Emmanuel at Peping ay mga aktibong kasapi ng gerilya.

Si Yoyong, di naglaon, ay nahuli at pinatay ng mga Hapon nang kapistahan ng Iriron sa Calintaan. Si Peping na kasama ni Yoyong na nahuli ay mapalad na nakatakas. Ang pagkahuli sa kanila ay gawa ng mga taksil na “Japanese Collaborators” na mala-hudas na nagsisilbi sa mga Hapon. Isa mga “Japanese Collaborators” na ito ay patuloy pa ring naninirahan ng malaya sa mismong bayang ito hanggang sa mga sandaling isinusulat ang talambuhay na ito. Si Narvas, di nagtagal, ay dinukot ng mga gerilyang pinamumunuan ni Kapitan Lawrence Cooper at Tenyente Eladio Balleza matapos umalis ang mga Hapon na kasama niyang nagsabong sa La Curva. Siya’y dinala sa kuta ng mga gerilya sa Limlim, Rizal, Occidental Mindoro at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo bilang kaparusahan sa kanyang kataksilan.

Ilang araw matapos mahuli sa Mayor Fermin Barretto, bumalik sa kanilang bahay ang kanyang asawa’t mga anak mula sa Labangan. Bago pa man mananghali (11:00 ng umaga) ng araw ding iyon, ay dumating ang mga Hapon, sinona ang buong Pandurucan, pinagsusunog ang lahat ng kabahayang makita at hinuling lahat ang mga “civilian”. Kasamang nahuli ang asawa’t mga anak ni Mayor Barretto at ang kapitbahay na si Amado Pio de Roda at isinakay sa bagun ng tren patungong “Garrison” ng Hapon sa Central. Pagdating sa Central, halos kalahating araw ding ibinilad sa araw (hanggang 3:00 ng hapon) ang lahat na nahuli at pagkatapos ay ikinulong. Ang mga kababaihan at mga kabataan ay ikinulong sa “Home Economics Building” at ang mga kalalakihan naman ay sa mga kulungang nasa loob din ng “Garrison”.

Makalipas ang ilang araw ng pagkakakulong, magtatanghali noon, si Mayor Fermin Barretto, ang kanyang asawa’t mga anak at lahat ng lalaking bilanggo (kasama si Dencio de Mesa at si Vicente Gabutero, Sr. ay isinakay sa “truck” upang dalhin sa Ilog Busuanga at doon umano ay pagbabarilin. Dumating si Celso Lobregat, kawani ng “Sugar Central” at halos nagmamakaawang nakiusap sa opisyal ng Hapon na si Kapitan Ishii. Napakalaking bagay ang ginawang ito ni Lobregat sapagkat matapos ang kanilang pag-uusap ay iniutos ni Kapitan Ishii na pababain sa “truck” ang lahat ng mga anak ni Mayor Barretto (pinagsisipang pinababa ng mga Hapon). Ang lahat ng pinababa ay ibinalik sa “Home Economics Building” na nagsilbing kanilang kulungan. Naiwan sa “truck” si Mayor Barretto, ang asawang si Feliza, si Dencio de Mesa, Vicente Gabutero, Sr., at iba pang lalaking bilanggo na tuluyang dinala sa Ilog Busuanga. Dito sa Ilog Busuanga, ipinakita ng mga Hapon ang isang malagim na halimbawa na maaaring maranasan ng mga Pilipinong ayaw makipagtulungan sa kanila. Pinatay si Dencio de Mesa sa mismong harap ni Mayor Barretto upang takutin at pilitin siyang ituro ang kinaroroonan ng mga gerilya. Subalit, nanatiling tikom ang bibig ni Mayor Barretto sa kabila ng nasaksihang trahedya sa buhay ng isang kababayan at matalik na kaibigan.

Siya ay tuluyan nang ikinulong at inihiwalay sa kanyang pamilya at walang nakakaalam kung ano pang uri ng pagpapahirap ang kanyang naranasan sa kamay ng mga sakang. Walang nakababatid kung anu-ano pang damdamin ang kanyang nadama sa bawat oras na siya’y pahirapan; kung sa bawat gabing lumipas na kawalay ang pamilya’y may pagkakataon kayang makatulog ng mahimbing o maka-idlip man lamang; kung sa bawat kalam ng kanyang sikmura’y may mainit kayang sabaw na pamukaw gutom man lang; kung sa pagkatuyo ng kanyang lalamunan ay may isang patak man lang ng tubig na pamukaw uhaw man lang.

Isang araw, nagpaalam si Mayor Fermin Barretto upang maligo, makapag-ahit ng balbas at mabisita ang pamilya na nakakulong sa “Home Economics Building”. Siya naman ay pinayagan dahil ang kanyang pamilya ay nasa loob lang ng “Garrison”. Siya ay naligo, nag-ahit ng balbas at nakipaglaro sa kanyang dalawang (2) bunsong anak na sina Rosalinda at Hermes at pagkatapos ay masayang bumalik na sa kanyang kulungan na para bang ang lahat ng hirap na dinanas ay dagling naglaho, kakaibang damdaming dulot ng ligayang saglit na makapiling ang mga mahal sa buhay, sa gitna ng malungkot at malupit na dagok ng kapalaran.

Dahil pinayagan ng mga Hapon si Mayor Barretto na mabisita ang pamilya, nabuo sa tulirong pag-iisip ng kanyang maybahay at murang kaisipang ng kanyang mga anak na tila maayos na ang lahat. Bilang pasasalamat sa pangyayari, ilang araw ang nakalipas ay ipinagluto ng masarap na pagkain ng kanyang asawa si Mayor Barretto at ang nasabing pagkain ay dinala sa kanyang kulungan ng kanyang anak na si Agripina kasama ang isang babaeng bilanggo. Subalit pagdating sa kulungan, isa sa mga lalaking bilanggo sa pangalang Santos delos Santos ang malungkot na nagbalita na si Mayor Barretto ay ilang araw ng nakalipas na dinala sa Ilog Busuanga na matapos pahirapan, pigain at nang walang makuhang impormasyon ay pinaghukay ng sariling libingan at mala-hayop na binaril sa harap ng mga kababayang bilanggo.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang sa kaarawan ni Hirohito, kasabay ding tinapos ng mga Hapon ang buhay ni Mayor Barretto.

Idinagdag pa ni Delos Santos na si Mayor Barretto ay pinagsisipa at pinagpapalo ng puluhan ng mahabang baril ng mga Hapon habang pinaghuhukay ng kanyang sariling libingan. Siya ay pilit na pinatatalikod ng mga Hapon bago barilin, subalit siya’y tumanggi at nanatiling nakaharap hanggang sa barilin ng mga ito. Nang mabaril ay nahulog sa hukay na habang kumikisay ay patuloy pa ring walang awang pinagbabaril ng mga Hapon. Ayon pa rin kay Delos Santos, isang kababayan ang nakagawang patagong pumutol ng sanga ng akasya at itinusok sa pinagbaunan kay Mayor Fermin Barretto upang gawing palatandaan at malaman ng kanyang mga kamag-anak at kababayan kung saan siya ibinaon.

Sa tabi ng Ilog Busuanga, ika-29 ng Abril, 1942, pumatak at umagos ang dugong sumulat sa kasaysayan ng isang bayaning tunay at walang takot na naglingkod sa kanyang inang bayan. Ang kabayanihang ito ni Mayor Fermin Barretto ay huwag sanang maglaho sa alaala ng kanyang mga kababayan, tulad ng sanga ng akasyang itinusok sa kanyang libingan, na ayon sa kanyang mga kamag-anak at kababayan ay wala na nang kanilang balikan, at maaaring tinangay na ng agos ng Ilog Busuanga at tuluyan nang nawala sa lawak ng karagatan.

Sadyang ang guhit ng kapalaran ay mahirap iwasan, tulad ng agos ng ilog na sa dagat ang patutunguhan, sapagkat ilang araw matapos patayin si Mayor Barretto, ay dumating ang kapalit ni Kapitan Ishii na si Kapitan Yamamoto. Ayon sa mga nakasaksi si Kapitan Yamamoto ay kabaligtaran ng kalupitan ni Kapitan Ishii.

Sa utos ni Kapitan Yamamoto, pinalaya ang lahat ng mga nakakulong. Ang nagdadalamhating pamilya na naiwan ni Mayor Barretto ay ipinahatid pang sakay ng kotse ng “Sugar Central” sa isang lugar sa Central na kung tawagin ay Mindoro at pinamili’t binigyan pa ng bahay na matitirahan at isang sakong bigas.

Ang bawat pasang tinamo ni Mayor Fermin Barretto sa kanyang katawan ay tila paalala sa kanyang mga kababayan, na ang Dugong Pilipino ay kailangang mamuo upang magkaisa, laban sa malupit na dayuhan. Ang bawat patak ng kanyang pawis na tumulo sa paghukay ng kanyang sariling libingan, at dugong umagos mula sa kanyang katawan, ay nagsilbing tubig pandilig sa ating inang bayang uhaw sa kalayaan. Ang bawat tilamsik ng dugong dapat sana’y patuloy pang dumaloy sa kanyang mga ugat, na umagos sa Ilog Busuanga patungo sa mas malawak na karagatan, ay magsilbing pahiwatig sa kanyang mga kababayan “na mula sa makitid na ilog ng pag-asang pangkapayapaan ay mararating ang tunay at higit na malawak na dagat ng kalayaan mula sa mga mapang-aping kamay ng dayuhan”.

Sa dagat ng Mindoro ay lumutang ang kanyang kagitingan, upang sa bawat hampas ng alon sa dalampasigan ay malalim na umukit sa bato ang kanyang pangalan at kasaysayan.

“Mayor Fermin Barretto, Bayaning Mindoreno”.

Sangang Akasya
Marso, 1998

"Sangang Akasya" was the pen name used by the author of this biography when this writing was submitted as entry in the contest to hide the true identity of the author from the Panel of Judges, not to mention the fact that a branch of Acacia was used to mark the spot where he was buried and the author being the grandson of Mayor Fermin Barretto, Ferdinand Barretto Mercene, who, like a branch, shoots off from a tree. This entry won the first place in the aforementioned contest.

REFERENCES: (References to time, date or age are reckoned prior to April 1998)

Dr. Felix Gabriel, 94 taong gulang. Pangulo ng Senior Citizens Association. Naninirahan sa San Jose, Occidental Mindoro.
Mr. Benjamin O. Walata, 70 taong gulang. Retiradong Guro ng Divine Word College. Naninirahan sa Calderon St., Labangan, San Jose, Occidental Mindoro.
Mrs. Agripina Barretto Mercene, 69 taong gulang, ikawalong anak ni Mayor Fermin Barretto, pangatlo sa babae, ipinanganak noong ika-23 ng Hunyo, 1929. Naninirahan sa Mabini St., Labangan, San Jose, Occidental Mindoro.
Mrs. Rosalinda Barretto Pineda, 62 taong gulang, ika-labing-isang anak ni Mayor Fermin Barretto, panglima sa babae, ipinanganak noong ika-20 ng Enero, 1936. Naninirahan sa Mabini St., Labangan, San Jose, Occidental Mindoro.